Monday, September 16, 2013
Napoles Not the Most Guilty
The following appeared in my People's Tonight column "Magakaisa Para sa Bayan" on September 15, 2013
MAS GUILTY ANG MGA SENADOR AT CONGRESSMAN
Ang kaso ni Janet Napoles at mga senador at congressman sa pagnakaw ng P10B PDAF at paggastos nito sa mga pekeng NGO ay mahalagang kabanata sa ating kasaysayan, upang wakasan ang kurapsyon, ang ugat ng kahirapan sa ating bayan.
Kung ma-convict ang mga senador at congressman, ang kaso ay magsisilbing aral at paalala sa lahat ng ating opisyal na ang posisyon sa gobyerno ay hindi maaaring gamitin para magpayamanat magkamal ng kapangyarihan.
Upang mapatunayang guilty ang mga senador at congressman, kailangang matibay ang kaso laban sa kanila. Mako-convict lang sila kung may testimonya na personal na tinanggap ng mga mambabatas ang kickback o kung ito’y idineposito sa mga bank account nila. Ang magpapatunay nito’y angtaong mismong nag-abot ng pera sa mga senador o congressman o ang nagdeposito nito sa bank account nila.
Kung wala’ng ganitong ebidensya, malaki ang tsanya ng mga akusadong mambabatas na mapawalang sala sa plunder, kung saan, kailangang patunanayan na personal na tumanggap ng kickback ang mga opisyal, mula sa mga testigo. Kung walang testigong magpapatunay na sila ang direktang nag-abot ng kickback o ang nagdeposito sa bank account ng mga corrupt na opisyal, madi-dismis ang kaso sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Ito’ng dahilan sa usapan kung kailangang gawing state witness si Napoles. Ang desisyon kung gagawing state witness si Napoles ay nakasalalay kay DOJ Secretary Leila De Lima at kung ito’y a-aprubahan ni Pangulong Aquino.
Sa ating Rulesof Court, ang kailangan upang ang akusado ay maging state witness ay: 1) Malaking pangangailangan sa testimonya ng gagawing state witness; 2) Kawalan ng directang ebidensya para patunayan ang kaso, maliban sa testimonya ng state witness; 3) Ang testimonya ng state witness ay sang-ayon sa testimonya ng ibang testigo; 4) Ang state witness ay hindi pinaka-guilty sa mga akusado; at 5) Hindi pa siya nai-imbestigahan sa mga kaso tungkol sa kawalan ng moralidad.
Ayon sa testimonya ng whistle-blower na si Benhur Luy sa Senado:
1. Ang mga senador o congressman mismo ang nag-alok ng kanilang PDAF kay Napoles.
2. Ang partehan sa kickback ay 50:50. Ang buong 50% ay napunta sa mga senador at congressman at ang 50% ni Napoles ay napupunta sa mga sumusunod:
3. Ten percent(10%) para sa pagbili ng mga gamit sa proyekto at ten percent (10%) para sa SOP ng mga opisyal ng ahensya ng gobyerno na naglalabas ng pondo (DBM) at nagpapatupad nito (TRC, atbp); at,
4. Ang thirty percent (30% ) ay napupunta kay Napoles.
Sa mga nabanggit, maliwanag na mas guilty ang mga senador at congressman, kaysa kay Napoles, sapagkat:
1. Sila ang may tungkuling pangalagaan ang PDAF na ipinagkatiwala sa kanila. Kung iningatan nila ito at hindi ipinagamit sa ilegal na paraan, hindi magkakaroon ng ganitong anomalya;
2. Sila mismo ang nag-alok ng PDAF kay Napoles, upang gamitin sa scam; at,
3) Sa aktwal na partehansa ninakaw na pera, mas malaki ang sa kanila (50%) at 30% lang kay Napoles (matapos bawasin ang gastos sa project at nasabing SOP).
Sa ngayon, walang ebidensya ang estado na personal na tinanggap ng mga senador at congressman ang kickback o idineposito nito sa kanilang mga bank account. Kung itatanggi ng mga corrupt namambabatas ang pagtanggap ng kickback, na tiyak nilang gagawin, ay malamang na maabswelto sila.
Upang siguruhin ang conviction ng mga mambabatas at para magkaroon ng aral ang lahat ng mga halal ng bayan na huwag pagnakawan ang pamahalaan, mas mabuting gawing state witness si Napoles laban sa mga senador at congressman.
Kung gagawa si Napoles ng Sinumpaang Salaysay na siya mismo ang nag-aabot ng kickback kay Tanda, Pogi at Sexy, siguradong mahahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlo at iba pang nagnakaw ng kanilang PDAF.
Bagama’t maaalis si Napoles sa kasong plunder, ‘di niya lubusang matatakasan ang kanyang mga kasalanan. Ang kanyang mga kayamanan na hindi mapatunayang mula sa legal na paraan ay maaring kunin ng gobyerno. Maaari rin siyang kasuhan ng tax evasion at pagbayarin ng malaking halaga sa pamahalaan.
Kung gustong sampolan ni P-Noy ang mga senador at congressman na nagnakaw ng kanilang PDAF at upang wakasan ang kurapsyon na matagal nang nagpapahirap sa ating bayan, kailangan may malaking taong maipakulong, kaugnay ng pandarambong sa P10B pork barrel sa asuntong ito.
Madaling magagawa ito ni P-Noy, kung gagawin niyang state witness si Napoles laban sa mga magnanakaw na senador at congressman sa kasong ito, na maaaring masulat sa ating kasaysayan bilang pinagpalang pagkakataon, upang wakasan ang kurapsyon na kanser sa ating lupunan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment